Bt Talong at Golden Rice: Pagtatag ng Kaalaman sa Agham


Photo from Rappler

Naglabas ang Court of Appeals (CA) ng ‘cease-and-desistorder para sa paggamit ng genetically modified (GM) crops na Bt Talong at Golden Rice noong ika-17 ng Abril, 2024. Ang desisyong ito ay ginawa matapos maghain ng petisyon ang ilang grupo na tutol sa paggamit ng mga pananim na ito; ngunit ayon sa National Academy of Science and Technology (NAST) – Philippines, ang pagtigil ng paggamit ng GM crops ay mas nagdudulot ng panganib kaysa pakinabang.

Bagaman walang masama sa paghain ng pagkabahala tungkol sa mga produktong kinokonsumo ng publiko, naghahasik naman ito ng takot at kawalan ng tiwala hinggil sa GM crops na resulta ng malalim at matagal na pananaliksik ng ating mga eksperto at siyentista.

Magkatunggali man ang diskurso hinggil sa GM crops, ang pangyayaring ito ay nagsiwalat ng mahalagang bagay: malubha ang kawalan ng tiwala ng sambayanan sa mga produkto ng salik at agham, at nananatiling kulang ang kamalayan ng taumbayan hinggil sa mga produkto ng siyensya.

 

Kawalan ng “full scientific uncertainty”

Ang pariralang “kawalan ng “full science uncertainty” ay ginamit ng CA upang ilarawan ang mga nasabing produkto sa kanilang memorandum. Dahil dito ay nagbukas ang maraming diskurso upang bigyang kaliwanan ang tungkol sa GM crops.

Ang Bt Talong at Golden Rice ay mga produkto ng makabagong teknolohiya na nakamit ng mga pampublikong institusyon na Unibersidad ng Pilipinas Los Baños (UPLB) at Philippine Rice Research Institute (PhilRice). Sa loob ng mahigit 20 taon, napatunayan ng mga Pilipinong mananaliksik na ang Bt Talong ay nakapagbabawas ng pinsalang dulot ng mga pesteng insekto, at naghihimok ng pagbabawas ng paggamit sa inorganic fertilizers. Samantala, ang Golden Rice ay tumutugon sa krisis pangkalusugan na vitamin A deficiency. Parehas itong nakamit na walang dinudulot na pinsala sa kapaligiran o taong kumokonsumo.

Ang Bt Talong ay mayroong protinang natural mula sa soil bacterium Bacillus thuringiensis (Bt). Ito ay nagbibigay proteksyon sa pananim laban sa insect pest eggplant fruit and shoot borer (EFSB).

Ang Golden Rice naman ay may beta-carotene, isang pigment na ginagamit ng katawan para gawing vitamin A, at maaaring maglutas sa problema ukol sa vitamin A deficiency sa Pilipinas. May posibilidad ang nasabing produkto na masustentuhan ang hindi bababa sa 30% pangangailangan sa bitamina ng tao araw-araw. 

Siyensya, wika ng masa

Hindi dadaloy ang progreso sa buong mundo kung patuloy nating kinikitil ang pag-usbong ng teknolohiya o binabalewala ang hinaing ng mga alagad ng siyensya. Kung patuloy nating tututulan ang pag-usbong ng makabagong teknolohiya upang malutas ang mga suliraning panlipunan, hindi sana maipapanganak ang mga imbensyon tulad ng bakuna at antibiotics na naging rebolusyonaryo sa pagbago ng ating mundo.

Mainam na hayaan nating malutas ang suliraning panlipunan sa tulong ng mga siyentipiko at eksperto. Sila ang dapat na pagkatiwalaan ng mamamayang Pilipino ng edukasyong makatutulong sa lahat.

Napapanahon ang pagtatag ng komunikasyon ng agham na tatatak sa kamalayan ng sambayanang Pilipino. Bilang mga mag-aaral ng haynayan, responsibilidad natin na makialam at magsilbing tulay sa agwat ng masa at siyensya.


0 Comments